Maglakbay sa Bolinao!

Maglakbay habang nabubuhay upang ang buhay ay hindi maging matamlay.

Chrissa Gayle Andrada

Isa sa mga paboritong puntahan o pasyalan sa Pilipinas ay ang Pangasinan lalo na sa panahon ng tag-init na kung saan ay maraming matatagpuang magagandang tanawin at isa na ang Bolinao. Ang pagkakaalam ng iba ay puro lamang dagat ang mapupuntahan ngunit lingid sa kaalaman ng nakararami na may matatagpuan ding kuweba sa lugar na iyon, ang Enchanted Cave. Ang Enchanted Cave ay isa sa mga nakatagong yaman na maipagmamalaki ng Pangasinan.

Sa pagpasok sa Enchanted Cave ay may mga taong masasayang sumasalubong sa mga bisita na may magandang pagbati at ngiti sa kanilang mga mukha. Kinakailangan munang magbayad ng mga bisita ng entrance fee bago makapasok at makapaglibot-libot upang mapanatili ang kalinisan at kagandahan ng lugar. Unang papasok sa isipan ng mga tao kapag narinig ang Enchanted Cave ay isang kuweba, ngunit ang lugar na ito ay malawak. Mayroon ding makikita na mga hayop na nakatutuwang panoorin lalo na ang mga unggoy na nagpapalipat-lipat ng puwesto.

Kailangan munang maglakad bago marating ang kuweba at habang patungo sa kuweba ay mayroong gabay na sumasama sa mga bisita at mga babala na nakapaskil. Sa pagbaba sa kuweba ay kailangang ingatan ang ulo upang hindi mauntog. Madulas din ang daanan kaya dapat maglakad nang maingat o dahan-dahan. Pagkadating sa kuweba ay mamangha ang mga tao sa linis at linaw ng tubig. Malalim ito kung kaya’t hindi hinihikayat ang mga taong hindi marunong lumangoy na lumusob sa tubig nang walang suporta gaya ng life vest. Mahirap makakuha ng mga litrato lalo na kung ang lahat ay nasa tubig at walang kukuha ng litrato. May paliguan din sa Enchanted Cave ngunit kailangan munang mag-igib ng tubig mula sa poso.

Maaari ring magpahinga sa Punta Riviera Resort sapagkat ito ay ilang minutong biyahe lamang mula sa Enchanted Cave. Kung nabitin sa paglalangoy sa kuweba ay maari itong ituloy sa resort dahil may swimming pool at dagat dito. Maganda rin dito at madaming aktibidad na puwedeng gawin. Buong puso ang pagtanggap ng mga empleyado sa mga bisita. Makapagpapahinga ang mga tao nang maayos sapagkat ang mga silid ay malawak at malinis. Ang mga kama o tulugan naman ay malambot kaya kumportable ang mga tao at makatutulog nang mahimbing.

Masayang mamasyal na kasama ang pamilya, kaibigan o mga taong malapit sa puso ng isang indibidwal. Marami pang magandang pasyalan sa Pangasinan at marami pang nakatagong yaman na hindi pa nadidiskubre. Sa pagbisita rito at kahit sa ibang lugar, laging tandaan at isabuhay ang responsable paglalakbay upang makabuo ng hindi malilimutang mga alaala na habang buhay na dadalhin.

Leave a comment

Design a site like this with WordPress.com
Get started